Grade 12 Student Na Nagtitinda Ng Lumpia Para Maitaguyod Ang Pag-aaral, Hinangaan Ng Netizens

6981

Kumakalat ngayon sa social media ang larawan ng isang dalagitang estudyante na nagtitinda ng lumpia habang naka-uniporme pa ito. Ang dalagita ay isang grade 12 student sa Talavera National High School sa Nueva Ecija.

Isang Inspirasyon

Sa panahong ito kung saan marami sa ating mga kabataan ang tila hindi na sineseryoso ang kanilang pag-aaral at nahuhumaling sa mga gadgets at online games, masarap isipin na mayroon pa ring iilan na binibigyang importansya ang edukasyon.

Marami tayong kuwentong nakikita sa social media tungkol sa mga kabataang malaki ang sinasakripisyo para lamang makatapos ng pag-aaral. Ang iba’y naglalakad ng malayo para lamang pumasok sa eskwelahan, ang iba’y tumatawid pa ng ilog. Mayroon ding sa murang edad ay natutunan nang magtinda para may maitustos sa pag-aaral.

Lumpia Para Sa Pag-aaral Ko

Isang netizen mula sa Nueva Ecija, ang nagbahagi ng larawan ng isang estudyante sa TNHS kung saan naglalako ito at nagtitinda ng lumpia sa loob ng paaralan. May dala siyang isang malaking bag kung saan nakalagay ang kanyang panindang lumpia. Ayon sa mga kaklase nito, ginagawa ito ng dalaga para may maitustos sa kanyang pag-aaral.

Marami ang humanga sa sipag at tiyaga ng dalagitang nasa grade 12 sa Talavera National High School. Maging ang mga titser at kaklase nito ay hanga sa pagpupursigi ng dalaga. Isa itong inspirasyon sa eskwelahan, sapagkat pinahahalagahan nito ang importansya ng edukasyon.

Reaksyon Ng Netizens

Marami naman sa ating mga netizens ang bumilib sa estudyante at nagpahayag ng kanilang paghanga at suporta sa dalagita. Nagviral ang nasabing post ng netizen na sa ngayon ay may mahigit ng 21K shares at halos 5K reactions.

Ilan sa mga netizens ang nagpahayag na gusto nilang tulungan ang dalagita, samantalang ang iba naman ay hangad na sanay maging inspirasyon ang dalagita sa mga kabataan ngayon at tularan ang kanyang kasipagan sa pag-aaral sa kabila ng kahirapan.

Source: Facebook/Sherydy

Facebook Comments